1-year road map para resolbahin ang traffic sa EDSA planong buuin ng House Committee on Transportation

Nagsasagawa na ngayon ng serye ng konsultasyon ang House Committee on Transportation sa lahat ng stakeholders para makabuo ng solido at praktikal na one-year road map para solusyunan ang traffic sa EDSA.

Ayon sa chairman ng komite na si Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, sinimulan niya ang informal discussions sa iba’t ibang opisyal ng gobyerno at pribadong sektor alinsunod sa direktiba ni Speaker Alan Peter Cayetano.

Ito’y bilang paghahanda na rin anya sa serye ng mga pagdinig na sesentro sa pagresolba ng problema sa EDSA.

Sabi ni Sarmiento, napakalaki ng nawawala sa gobyerno dahil sa masamang epekto sa ekonomiya ng traffic bukod pa sa abalang dulot nito sa publiko.

Naniniwala ang kongresista na dapat bawasan ang volume ng mga sasakyan sa EDSA at para makamit ito ay kakailangan ang pagtutulungan ng ehekutibo, Kongreso, hudikatura at pribadong sektor.

Kabilang sa tinitingnan ng Kamara ay ang mga panukalang i-consolidate ang prangkisa ng lahat ng kumpanya ng bus sa Metro Manila para maipatupad ang synchronized dispatch system sa EDSA.

Read more...