Ayon kay Romualdez, mas paiigtingin ng Kamara sa ilalim ni Speaker Alan Peter Cayetano ang koordinasyon sa Malacañang at Senado para tiyaking hindi mave-veto ang mga aaprubahang panukala sa 18th Congress.
Makatutulong aniya ang technical working group hindi lamang para mapabilis ang pagpasa sa priority bills kundi upang masilip rin ang “red flags” o mga detalyeng maaaring maging dahilan ng presidential veto.
Binanggit ni Romualdez na sa taya ng Congressional Planning and Budget Office ay gumagastos ang Kamara ng P3 milyon sa bawat panukalang batas hanggang sa maaprubahan ito sa ikatlo at huling pagbasa.
Sakop ng nasabing halaga ang suweldo ng mga kongresista at personnel ng House of Representatives na may partisipasyon sa process of legislation pati na government resources na ginagamit sa proceedings.
Paliwanag pa ng kongresista, ayaw nilang masayang ang pera ng taumbayan kaya sa pamamagitan ng mas pinag-isipan at napagkasunduang panukalang batas kasama ang gabinete at iba pang stakeholders ay magagamit ito nang tama.
Una rito, napagkasunduan ng grupo mula sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na magsasagawa ng regular monthly meeting ang mga Congress leaders at Cabinet secretaries para talakayin ang priority measures ni Pangulong Duterte.