Recto pinaiimbestigahan ang nagkalat na fake drugs
Gusto ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na maimbestigahan sa Senado ang ulat ng United Nations na sa Pilipinas may pinakaraming kaso ng pekeng gamot sa Southeast Asia.
Ayon kay Recto, lubhang nakakabahala ang imahe ng Pilipinas sa ulat ng UN Office on Drugs and Crime (UNODC) 2019 ukol sa “Transnational Organized Crime in Southeast Asia: Evolution, Growth and Impact.”
Base sa ulat mula noong 2014 hanggang 2017, ang mga pekeng gamot mula Pakistan, China at India ay talamak na nakakapasok sa bansa.
Bukod pa dito ang pamemeke ng mga ‘over the counter drugs’ na ginagawa dito sa bansa.
Pagdidiin ni Recto, kailangan malaman kung ano sa mga gamot na ibinibenta sa Pilipinas ang peke.
Banggit ng senador noong nakaraang taon mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang pumansin sa nagkalat na pekeng Paracetamol.
Hindi anya lahat ng drug dealers ay shabu ang ibinebenta dahil may naglalako rin ng pekeng gamot para sa tuberculosis o TB, cancer, ubo at lagnat.
Sinabi ni Recto na ang mga mahihirap ang nadedehado dahil akala nila ay nakakatipid sila sa mga murang gamot sa tindahan ngunit hindi pala sila gagaling sa kanilang mga sakit at nagsasayang lang ng pera.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.