‘Mr. President: Mali kayo sa isyu ng regalo sa mga pulis’ sa “WAG KANG PIKON!” ni Jake Maderazo

By Jake Maderazo August 11, 2019 - 12:20 PM

Maraming tumaas ang kilay ng sabihin ni President Rodrigo Duterte na okay lang tumanggap ng regalo ang mga pulis kung ito’y bilang pasasalamat o sa pagiging pagka-bukas palad ng nagbibigay. Ayon pa sa Pangulo, kung nalutas ang krimen at nagpasalamat ang pamilyang natulungan dahil sa accomplishment, dapat lang tanggapin ng pulis ang regalo.

Sabi pa ni Duterte, “nonsense” daw ang  “anti-graft law” o RA 6713 , na nagbabawal sa pagtanggap ng regalo dahil hindi naman ito “bribery” at kusang loob ng nagbibigay. Ayon sa Section 7(d) ng naturang batas, lahat ng mga public offcials at empleado kabilang ang mga pulis ay bawal manghingi o tumanggap, directly o indirectly, ng alinmang regalo, pabor, utang, libre o alinmang may katumbas na pera sa panahon ng kanyang serbisyo, partikular sa mga transaksyon sa kanyang opisina o saklaw ng kanyang trabaho.

Kung susuriin, malawak ang implikasyon nito sa buong gobyerno, dahil ang iba pang mga opisyal ng gobyerno ay nakakatanggap din ng regalo. Ibig bang sabihin nito, pwede silang tumanggap ng “regalo” basta’t ito’y pasasalamat at “kusang loob?

Taliwas ito sa nangyayari sa South Korea na kamakailan lamang ay nagpasa ng pinaka-istriktong “graft law” sa mundo para puksain ang tinatawag nilang. Layon din nitong liwanagan ang pagkakaiba ng “regalo” at “lagay”. Ayon sa “Improper Solicitation and Graft Act na nagkabisa noong September 2016, bawal na ang pagbibigay ng regalo sa “co-worker, teacher o business partner” ay isa nang “krimen”.  Nagtakda rin ng $28 limit (P1,400) sa gastos sa blowout ng mga “professionals” sa mga bisita nilang opisyal o empleado ng gobyerno. Bawal na rin sa mga “teacher” na tanggapin ang regalong bulaklak ng kanilang estudyante.

Binuo ang batas ng lumubog ang Sewol ferry noong 2014 kung saan 304 ang nasawi karamihan ay mga bata. Sa imbestigasyon, lumitaw na binibigyan ng regalo ng kumpanya ng barko ang mga “port officials “ na pinayagang lumayag ang barko kahit hindi ligtas ang kundisyon.  Noong 2017, naeskandalo rin ang “regalo” na siyang dahilan para ma-impeach at maaresto si South Korean Pres. Park Geun-hye. Diumano , sinabihan ni Pres. Park ang pinuno ng Samsung  na magbigay ng milyun-milyong dolyar sa mga “charitable institutions ng isa niyang kaibigan kapalit ng  “government favors”.

Pero dito sa atin, naging paatras tayo sinabi ng pangulo na “nonsense” ang RA 6713 at tanggapin ang mga kusang loob na regalo para sa mga pulis o opisyal ng gobyerno. Kung tutuusin, personal na opinyon lang ito ng Pangulo dahil hindi pa naman naamyendahan ang naturang batas. Ibig sabihin, pwede pa ring kasuhan ng”anti-graft” ang mga pulis na tatanggap ng regalo. Kaya nga, ang naging  reaksyon ng PNP ay maganda at tamang-tama lang. Sa official statement , tinatanggap nila ang “wisdom” ng Pangulo, pero ang PNP ay saklaw pa rin ng pagbabawal ng RA 6713.

Sa aking palagay , maling-mali si Presidente sa pagbibigay ng sariling opinyon sa “regalo”sa mga pulis o opisyal ng gobyerno. Pero, tingnan natin ang magiging reaksyon ng Kongreso.  Amyendahan kaya ng mga sipsip na kongresista at Senador ang “anti-graft law” dahil sinabi lang ng Pangulo?

TAGS: columns, PNP, Pulis, regalo, Rodrigo Duterte, columns, PNP, Pulis, regalo, Rodrigo Duterte

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.