3 binatilyo na naligo sa Pasig River nailigtas

PRRC photo

Nailigtas ng mga River Warriors ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) ang tatlong menor de edad na muntik malunod habang naliligo sa Pasig River.

Ayon kay PRRC River Warrior Head Niño Gutierrez, namataan nila ang mga teen-ager na nahirapang lumangoy malapit sa Jones Bridge.

Nabatid na lumakas ang water current mula sa Manila Bay dahil sa pag-uulan na dulot ng Habagat.

Nailigtas sina Vincent Elbona, 14 anyos; Daniel Lavadia, 14 anyos at Ashley Lavadia, 15 anyos.

Ayon sa tatlo, lumalangoy sila sa ilog pero hindi nila inasahan ang paglakas ng current ng tubig.

Nang makita ang mga binatilyo ay binigyan ang mga ito ng mga vests ng PRRC River Warriors at dinala sa Lawton Ferry Station.

Pinagsabihan ang tatlo na hindi sila dapat naligo sa ilog sa gitna ng masamang panahon.

“Alam niyo sa ganitong panahon, malakas ang current ng tubig, huwag na kayo maligo diyan. Okay lang kung kalmado lang yung tubig, kaya lang hindi niyo masasabi niyan, talagang tatangayin na kayo niyan papuntang Manila Bay. Sa susunod, huwag na kayo maglalangoy pagdating ng tag-ulan,” ani Gutierrez.

Binati naman ni PRRC Executive Director Jose Antonio Gotia ang River Warriors sa kanilang kabayanihan sa pagligtas sa mga bata sabay paalala na huwag maligo sa Pasig River lalo na kapag umuulan.

Read more...