Mall sa Zamboanga City, target pasabugin ng Abu Sayyaf

 

Inquirer file photo

Ibinunyag ng pulisya sa Zamboanga City ang plano ng Abu Sayyaf Group (ASG) na magsagawa ng pagpapasabog sa isang mall sa nasabing lungsod.

Ayon kay Chief Insp. Joel Tuttuh na tagapagsalita ng Zamboanga City Police Office (ZCPO), sunud-sunod ang mga natatanggap nilang intelligence reports tungkol sa balak ng ASG na bombahin ang Koronadal Commercial Corporation (KCC) mall.

Nito aniyang mga nagdaang linggo, ilang impormasyon mula sa mga intelligence communities ang nagsasabing ang target ng ASG na pasabugin ay ang KCC mall partikular na ang basement area nito.

Ani Tuttuh, batid nilang may kakulangan sa sistemang panseguridad ang nasabing mall.

Aniya hindi naman mangmang ang mga miyembro ng ASG kaya’t tiyak na hindi naman sila magpapahalata sakaling magpuslit sila ng improvised explosive device (IED).

Gumawa naman agad ng aksyon si Mayor Maria Isabelle Salazar para hindi magdulot ng panic sa mga tao ang nasabing impormasyon, at sinabing ginagawa na ng mga pulis at militar ang lahat para mapigilan ang pagpapasabog.

Nakikipagtulungan na rin aniya sila sa lokal na pamahalaan ng Sulu at Basilan na kilalang pinamumugaran ng Abu Sayyaf, para matimbrehan sila sa anumang banta ng seguridad na posibleng isagawa sa Zamboanga.

Malaking alalahanin talaga aniya sa kanila ang seguridad, at dahil dito, nilagyan na aniya ng mga x-ray machines at K9 units ang KCC mall.

 

Read more...