Duterte ibabalik ang STL kung wala na itong kurapsyon

File photo-JOAN BONDOC

Maaaring ibalik ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Small Town Lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa isang kundisyon.

Ayon sa pangulo, kung magiging “corruption-free” ang STL ay ikukunsidera niyang ibalik ang operasyon nito.

Noong July 26 ay ipinatigil ng Pangulo ang operasyon ng lahat ng PCSO games kabilang ang STL dahil sa umanoy malawakang kurapsyon sa ahensya.

Sa kanyang talumpati sa 118th Police Service Anniversary sa Camp Crame araw ng Biyernes, sinabi ng Pangulo na kung matitiyak na mawawala na ang katiwalian sa operasyon ng STL ay pwede niya itong ibalik.

“If you can assure me that there will be no corruption, maybe I will consider. But if I’m not satisfied and if the bug guys are still there to manipulate the game, I will not allow it. I’m sorry,” ani Duterte.

Ilang araw matapos itigil ang PCSO games ay ibinalik ng Pangulo ang operasyon ng Lotto pero hindi ang STL, Keno at Peryahan ng Bayan.

Matatandaan na sinabi ni Senator Panfilo Lacson na ilang heneral ng pulisya at militar ang mayroong STL franchise at kabilang umano sila sa mga hindi nagbibigay ng tamang kita sa gobyerno.

 

Read more...