DOH: Kaso ng dengue sa bansa higit 167,000 na
Patuloy sa pagtaas ang bilang ng kaso ng dengue sa bansa ayon sa Department of Health (DOH).
Sa isang panayam araw ng Biyernes, sinabi ni Health Undersecretary Rolando Enrique Domingo na mula January 1 hanggang July 27, umabot na sa 167,606 ang dengue cases sa bansa.
Umabot na rin sa 661 ang nasawi.
Ayon kay Domingo, ito na ang isa sa mga pinakamataas na bilang ng dengue cases sa Pilipinas kung saan sa kauna-unahang beses ay nagdeklara ng national epidemic.
Dagdag pa ng health official, ang kaso ng dengue ngayong 2019 ay ang pinakamataas din sa nakalipas na limang taon.
Posible ring malampasan ang 216,190 cases na naitala sa buong 2018.
Ang mga rehiyon na lumampas sa epidemic threshold ay pumalo na rin sa sampu mula sa pito lamang noong July 20.
Ang sampung rehiyon ay ang Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Soccsksargen, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Mahigpit ang pagbabantay ng DOH sa National Capital Region (NCR) at Ilocos Region dahil lagpas na ang mga ito sa alert threshold.
Tiniyak ni Domingo na ang regional offices ng DOH ay nakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng gobyerno para masiguro ang mga hakbang na layong mabawasan ang dengue.
Samantala, sinabi naman ng health official na kailangan muna ang masusing pag-aaral para sa panukalang ibalik ang kontrobersyal na Dengvaxia vaccine.
Sa ngayon anya ay hindi pa ito pwedeng ibalik at gamitin sa bansa dahil wala itong Certificate of Product Registration (CPR).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.