2 bayan at 1 pang lungsod isinailalim na rin sa state of calamity dahil sa dengue

Idineklara na rin ang state of calamity sa Daraga, Albay; Roxas, Isabela; at Zamboanga City dahil pa rin sa patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue.

Sa tala ng Municipal Health Office ng Daraga, Albay, umabot na sa 387 ang dengue cases kung saan dalawa ang namatay.

Dahil dito, ipinag-utos na ni Mayor Vic Parete sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), Rural Health Unit at mga barangay councils ang epektibong pamamahagi ng information, education at communication materials (IEC) materials ukol sa dengue.

Maging ang Provincial Health Office ng Albay ay nagrekomenda na rin na isailalim ang buong lalawigan sa state of calamity.

Umabot na sa 2,621 ang kaso ng sakit sa buong Albay kung saan 10 na ang nasawi.

Sa bayan ng Roxas sa Isabela, umabot na sa 135 ang kaso ng dengue mula January hanggang August 3 kung saan apat na ang nasawi na karamihan ay mga bata.

Ayon kay Mayor Jonathan Jose Calderon, ang normal threshold ay walong kaso lamang ng dengue kada linggo ngunit umabot ito sa 12 kaya’t isinailalim sa state of calamity ang bayan.

Umabot na rin sa epidemic threshold ang kaso ng dengue sa Zamboanga City para ideklara ang state of calamity.

Ayon kay Zamboanga City Disaster Risk Reduction and Management Office head Elmeir Apolinario, pumalo sa 1,883 ang kaso ng dengue sa lungsod nitong buwan lamang ng Hulyo.

Mula Enero hanggang Hulyo naman umabot sa higit 4,000 ang dengue cases kung saan 23 na ang nasawi.

Hingi agad naideklara ang state of calamity sa Zamboanga City dahil hindi pa naiaalis ang naunang deklarasyon bunsod ng El Niño.

Ang mga bayan at lungsod na nagdeklara ng state of calamity ay makagagamit na ng kanilang calamity fund sa pagbili ng mga gamit para puksain ang dengue.

 

Read more...