P11M pabuya ibinigay ng PDEA sa mga nag-tip ukol sa illegal drugs
Kabilang ang mga tipster na itinago sa pangalang “Sam Milby” at “Cardo” sa 18 confidential informants na nabigyan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng mahigit P11 milyong pabuya dahil sa kanilang impormasyon ukol sa mga drug den at kalakalan ng ilegal na droga.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, ang mga informants ay gumamit ng mga alyas na kapangalan ng mga artista o karakter na kanilang ginagampanan gaya ng “Cardo” na palayaw ng karakter ni Coco Martin sa “Ang Probinsyano.”
Kasabay ng 17th anniversary ng PDEA araw ng Biyernes sa Quezon City ang pagbigay ng pabuya sa ilalim ng “Operation Private Eye,” isang paraan ng paghikayat sa mga mamamayan na mag-report ng mga hinihinalang illegal drug activities sa mga komunidad.
Ayon kay Aquino, tumanggap ang mga informants na sina “Cardo” ng P2 milyon bawat isa.
Dahil sa impormasyon na ibinigay ni “Cardo,” nasamsam ang mahigit 91 kilos ng shabu at mahigit 2 litro ng liquid shabu gayundin ay naaresto ang limang suspek sa raid noong September 25, 2018 sa isang condominium unit sa Pasay City na ginawang shabu lab.
Ang isang “Cardo” naman ang nag-tip sa PDEA ng 274 kilos ng shabu sa Tanza, Cavite kung saan napatay ang dalawang drug suspects noong February 3.
Nasa P2 milyon din ang pabuya sa isang informant na nagbigay ng tip na nagresulta sa pagkumpiska sa mahigit 82 kilos ng shabu at pagka-aresto sa isang suspek sa buy bust operation sa Muntinlupa noong March 19.
Ang natitirang halaga ng pabuya ay pinaghatian ng ilan pang informants na gumamit ng iba’t ibang alyas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.