Pinagpapaliwanag ng Civil Service Commission (CSC) ang director ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Calbayog City dahil hindi pinapasok ang isang babae na putol ang mga paa.
Ayon kay CSC Commissioner Aileen Lizada, kahit hindi nagreklamo ang may kapansan na si Nancy Torrelino Boroc ay seryoso nilang iimbestigahan ang nangyari.
Iginiit ni Lizada na hindi polisiya ng mga ahensya ng gobyerno na maging sagabal sa serbisyo.
Pinuna ng opisyal ang pagiging frontline ng mga gwardya na siyang unang nilalapitan ng mga tao.
Ayon kay Lizada, ang trabaho ng gwardya ng ahensya ng gobyerno ay protektahan ang mga empleyado at mga taong may transaksyon sa tanggapan.
Dapat anyang ipinarating ng gwardya ang sitwasyon sa mas nakakataas sa kanya o frontline officer at hindi ito nagdesisyon na huwag papasukin si Boroc.
Ang hakbang ng CSC ay kahit ayaw magreklamo ni Boroc laban sa gwardya ng BIR na hindi siya pinapasok dahil naka-shorts ito.
Ayon kay Boroc, sa unang punta niya sa BIR Calbayog ay pinapasok naman siya pero noong bumalik na siya para magsumite ng mga requirements ay hindi na siya pinapasok dahil siya ay nakasuot ng shorts.
Pero paliwanag nito, ipinanganak na siyang walang mga paa at shorts lamang ang maaari niyang isuot.
Dahil dito ay sinabi ni Lizada na dapat binigyan ng konsiderasyon si Boroc alinsunod sa patakaran na special lane para sa mga persons with disabilities (PWDs), senior citizens at buntis gayundin ang bagong batas na “Ease of Doing Business.”
Binigyan ng CSC ang BIR-Calbayog ng tatlong araw para ipaliwanag ang pangyayari.