Inirekomenda ng Baguio City Health Services office sa lokal na pamahalaan at sa Department of Education (DepEd) na ipagbawal muna ang pagsusuot ng palda ng mga estudyante sa elementarya at high school.
Nakikita itong paraan ng City Health office para maiwasan ang kagat ng lamok na maaring magdulot ng sakit na dengue.
Ayon Dr. Donnabel Tubera, infectious cluster head ng City Health Services Office, mas lantad sa kagat ng lamok ang mga babaeng estudyante na naka-palda.
Kamakailan iniulat ni Tubera na nakapagtala ng 24 percent na pagtaaas sa kaso ng dengue sa lungsod mula Jan. 1 hanggang July 29 ngayong taon.
Sa nasabing petsa umabot na sa 280 ang kaso ng dengue sa lungsod na mataas kumpara sa 220 cases noong nakaraang taon.
Mayroon na ring isang nasawi sa Baguio City dahil sa dengue.
Maliban sa palda, pinaiiwas din ang mga babae sa pagsusuot ng manipis na leggings dahil kaya pa ring makakagat ng lamok kapag naka leggings.
Payo ni Tubera, magsuot ng makapal na pants, medyas at long sleeves.
Nakikipag-ugnayan na ang City Health Office sa mga education at city official para sa pag-iisyu ng pormal na abiso sa pansamantalang pagpapasuspinde ng paggamit ng skirt uniforms.