Naging, at mananatiling sandigan ng Inquirer si Letty Jimenez Magsanoc.
Ito ay ayon kay Philippine Daily Inquirer chair Marixi Rufino-Prieto na nai-kwento rin kung gaano siya nabigla sa pagpanaw ni LJM na siyang editor-in-chief ng pahayagan.
Pero para kay Prieto, mas nakabuti na rin siguro ito kay LJM dahil hindi na siya nakaranas pa ng paghihirap at hindi na rin mas napatagal pa ang sakit na nararamdaman niya.
Ang alam lang aniya nila ay may sakit na talaga si Magsanoc, pero hindi nila alam kung gaano ito kalala, at ang akala rin lang nila ay simpleng sakit lang sa likod ang iniinda nito.
Inalala pa niya ang unang beses na pumunta siya sa Inquirer, kung saan diretsahan siyang tinanong ni Magsanoc kung ang mga Prieto ba ay may pinoprotektahang negosyo o pulitiko, na siya namang itinanggi ni Gng. Prieto.
Sa kabila aniya ng pag-panaw ni LJM, mananatili siyang pinagkukunan ng lakas ng Inquirer para magpatuloy sa walang takot at balanseng pagbabalita.
Naniniwala siya na hindi basta iiwan ni LJM ang Inquirer nang hindi sinasanay ang mga kasalukuyang editors, at malamang na ipinamana niya sa mga ito ang galing niya. Mistula kasi aniyang matagal na niyang sinasanay ang mga editors at staff ng Inquirer para sakaling mangyari ang hindi inaasahan tulad nito, ay handa sila na panatilihing malakas at matatag ang Inquirer.
Dahil dito, alam niyang nasa mabuting kamay ang Inquirer kahit pa wala na ang kanilang editor-in-chief na naging sandigan ng mga tao sa likod nito sa loob ng 30 taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.