Walang nadamay na Pinoy sa pag-atake sa Tunisia, Kuwait at France

Tunisia Attack
screen grab mula sa Tunisia TV1

Walang Pinoy na nadamay sa pag-atake na naganap sa Tunisia, suicide bombing sa Kuwait at pagpapasabog sa isang gas factory sa France.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Assistant Secretary Charles Jose, sa kanilang pakikipag-ugnayan sa embahada ng Pilipinas, ipinabatid sa kanila na walang Filipino casualty sa magkakahiwalay na pag-atake.

Kasabay nito, kinondena ng DFA ang tatlong magkakahiwalay na insidente. “The Philippines strongly condemns the terrorist attacks that were carried out in France, Tunisia, and Kuwait, and took the lives of innocent people,” ayon sa inilabas na pahayag ng DFA.

Sa Tunisia, umabot sa halos 40 ang nasawi habang mahigit 30 ang nasugatan sa pamamaril sa Imperial Marhaba Hotel sa bayan ng Sousse.

Pawang turista ang mga biktimang nasa beachfront ng maganap ang pag-atake.

Napatay naman ang hindi pa nakikilalang suspek samantalang sinasabing naaresto na ng mga awtoridad ang kasabwat nito.

Inako ng grupong Islamic State of Iraq and Syria o ISIS ang pag-atake gayundin ang suicide bombing sa isang Mosque sa Kuwait kung saan halos 30 ang nasawi at mahigit 200 ang nasaktan.

Sa France naman, isang gas factory ang pinasabog at natagpuang pugot ang ulo ng biktima malapit sa gate ng pabrika.

Samantala, nakiramay din ang Malakanyang sa mga biktima ng tatlong makakahiwalay na pag-atake.

“Nakikiramay tayo sa kaibigang bansa na nawalan ng mamamayan dahil sa pag-atake ng mga terorista,” pahayag ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte./ Len Montano

Read more...