WALA SA BALOTA KUNG WALANG TRO! sa ‘Wag kang Pikon ni Jake Maderazo’

December 28, 2015 - 07:19 PM

JAKE MADERAZONgayong Lunes, isinumite ni Sen.Grace Poe ang petisyon sa Korte Suprema para baligtarin ang Comelec sa pagkansela ng kanyang COC bilang kandidatong Pangulo. (7-0) ang Comelec sa isyu na hindi siya natural born at (5-2) na kulang siya sa 10-year residency requirement sa posisyon ng Pangulo. Susunod itong pagpapasyahan ng 12 mahistrado ng Korte Suprema , at nag-inihibit ang naunang tatlo sa SET, sina Associate Justices Carpio, Brion at De Castro.

Ang naging problema, dahil holiday season, walang pasok ang Dec. 30 (National Heroes day) at pati Dec. 31 ay baka madeklarang holiday ng Malakanyang tulad sa Dec. 24. Kaya ang nangyari, dinesisyunan na kanina ang naturang kaso.

Maliwanag sa atin ang “game plan” ng mga abugado ni Poe. Kailangang hindi siya maalis sa balota habang ang kaso ay dinidinig pa ng Korte Suprema. Sa madaling salita, TRO ang kailangan at patatagalin ang desisyon hanggang elections sa Mayo. Naniniwala sila na hindi gagalawin ng mga mahistrado dahil ito’y “political question” na taumbayan lamang ang magpapasya. At dahil nasa balota, mananalo si Poe, at sa bisa nga ng “let the people decide” o vox populi, ang kwestyon ay saka lamang reresolbahin ng Presidential Electoral tribunal na pawang mga mahistrado din ng SC ang bumubuo. Sa kabila, wala nang bisa ang “certificate of candidacy” ni Poe sa Comelec.

Kung hindi nabigyan ng TRO si Poe, aalisin siya sa listahan ng mga kandidato. Ang paniniwala ng Comelec ay sila ang naatasan ng Saligang Batas na sumuri at magkansela ng COC tulad ng kay Poe na ginamit nila sa mga “nuisance candidates”. Nakabimbin din ang disqualification niya sa Senate Electoral tribunal na inapela sa Korte Suprema matapos matalo sa botong 5-4 kung saan tatlo sa bumoto laban kay Poe na pawang mga SC justices.

January 19 itinakda ang oral arguments tungkol dito. Kung susuriin, nagbibilangan na ng boto ng Mahistrado ang kampo ni Poe at Comelec. Sa 12 natitirang mahistrado, pito ay appointees ni ex-Pres. GMA na sina Associate justices Mendoza , Del Castillo, Bersamin , Villarama jr (magreretiro sa Marso 2016) , Velasco, Perez, at Peralta . At lima naman ay appointees ni PNoy na sina Chief Justice Sereno, Reyes, Perlas-Bernabe, Jardeleza, at Leonen na napiling mag-ponente sa kaso ni Sen. Grace Poe sa SET.

Ngayon pa lang , maraming naging ispekulasyon kung paano aaksyon kilos ng Korte. Patatagalin ang kaso hanggang mag-eleksyon tulad ng gusto nina Poe o ngayon pa lamang ay desisyunan na at disqualified na siya? Kung ako ang tatanungin, hindi pwedeng “political question” ang maliwanag na “requirement” ng Konstitusyon sa pagka-pangulo. At dito, kailangan ng derektang desisyon ng Korte kung tama o mali ang Comelec sa pagkansela ng COC ni Poe. Malungkot mang sabihin, sa tingin ko, tama ang tindig ng Comelec dito, at hindi ako magtataka kung kumampi rin ang Korte Suprema sa desisyon na hindi “natural born” si Poe at kulang sa residency requirements”.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

News Hub