Mga pamilihan, negosyo at paaralan isinara sa Taiwan dahil sa Typhoon Lekima
Ipinag-utos ng Taiwanese government ang pagpapasara sa mga pamilihan, negosyo at mga paaralan ngayong araw ng Biyernes dahil sa papalapit na Typhoon Lekima o ang Bagyong Hanna.
Kanselado rin ang biyahe ng mga eroplano at naglabas ng landslide warning dahil na rin sa tumamang magnitude 6.0 na lindol kahapon, August 8.
Sa pulong sa national emergency center, pinaaalerto ni Taiwanese premier Su Tseng-chang ang lahat ng opisyal sa paparating na bagyo.
“An earthquake struck when we are making preparations for the typhoon, which is a rare event,” ani Su Tseng-chang.
Inaasahang magiging super typhoon ang bagyo bago tuluyang tumama sa bansa.
Naglabas ng wind and rain warning ang weather bureau ng Taiwan para sa greater Taipei, northern port city ng Keelung at iba pang northern counties.
Ang Typhoon Lekima ang pinakamalakas na bagyong tatama sa Taiwan ngayong taon.
Inaasahang magbubuhos ng 900mm na tubig-ulan ang bagyo kaya’t mapanganib ang landslide sa northern mountains ng bansa.
Bago ang pagtama sa Taiwan, hinatak ng Typhoon Lekima ang southwest monsoon o Habagat na nagpaulan sa malaking bahagi ng Pilipinas.
Matapos dumaan sa Taiwan, kikilos ang bagyo patungong China partikular sa eastern commercial hub ng Shanghai.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.