Quality ng MMFF movies mababa na ayon sa ilang MTRCB officials

By Den Macaranas December 28, 2015 - 05:16 PM

MMFF-movies
Inquirer file photo

Sa gitna ng kontrobersya sa 2015 Metro Manila Film Festival, panahon na para baguhin ang patakaran sa pagpili ng mga pelikulang kalahok sa festival tuwing Disyembre.

Sa programang MTRCB Uncut sa Radyo Inquirer, sinabi ng batikang director at Vice-chairman ng Movie Television Review and Classification Board, Emmanuel “Maning” Borlaza na dapat ibalik ang dating kinang ng filmfest kung saan itinatampok ang magaganda at de-kalidad na pelikula.

Ayon kay Borlaza, ang dahilan kung bakit naglagay ng Mayor Antonio Villegas award sa filmfest awards ay para kilalanin ang mga pelikulang nagtatampok sa kultura, kasaysayan at magagandang buhay sa Pilipinas.

“Ngayon nga ang nagiging target ay kung ano ang magiging box office.” ani Borlaza.

Para naman kay MTRCB Board Member Mario Hernando, nawala na ang tunay na diwa ng isang festival base sa nangyayari ngayon sa industriya.

Bagama’t naiintindihan niya ang panig ng MMFF organizers na kailangang silang kumita para hindi mawalan ng trabaho ang mga nasa industriya ng pelikula, binigyang diin ni Hernando na mahalaga pa rin naman na mag-tampok ng mga quality films na nagawa naman noong mga nagdaang festival.

“Hindi ba pweding gumawa ng “very commercial movie” na matino at disente. Hindi yung ini-insulto yung mga tao.” Paliwang ni Hernando.

Binanggit din ni Hernando na kilalang film critic at Ateneo Professor na kung matatandaan ay itinampok sa mga nagdaang Metro Filmfestival ang pelikulang “Insiang,” “Ganito kami noon, Paano kayo ngayon,” at iba pang magaganda at klasiko nang pelikula.

“ Ngayong, walang matatandaan ang mga tao kasi puro box office hits lang ang pinalalabas”, ayon pa kay Hernando.

Naniniwala naman si MTRCB Board Member Fr. Nick Cruz na maaari namang gumawa ng mga de-kalidad at seryosong pelikula na maaaring tangkilikin ng publiko.

 

Inihalimbawa niya ang pelikulang “Heneral Luna” na bagamat historical film ay pinanood ng mga tao dahil “entertaining”.

 

TAGS: Emmanuel Borlaza, MMFF, MTRCB, Emmanuel Borlaza, MMFF, MTRCB

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.