Implementasyon ng yellow lane policy ipagpapatuloy ng MMDA

INQUIRER PHOTO / GRIG C. MONTEGRANDE

Ipagpapatuloy ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng yellow lane policy.

Ito ay sa kabila ng mga batikos ng mga commuters at motorista sa MMDA dahil sa maladelubyong sitwasyon ng trapiko sa EDSA simula noong nakaraang Biyernes dahil umano sa naturang traffic scheme.

Tinatawag ang ahensya ngayon na anti-poor at anti-commuter dahil maluwag ang lanes para sa private vehicles habang ang dalawang yellow lanes para sa mga bus ay nagmimistulang malaking parking lot.

Depensa ni MMDA traffic czar Col. Edison “Bong” Nebrija, ang kawalan ng disiplina ng mga motorista, partikular ng city bus drivers ang sanhi ng masikip na daloy ng trapiko sa EDSA.

Hindi umano magiging masikip ang yellow lanes kung matututo lamang magbigayan ang mga motorista.

Plano na ngayon ng MMDA na lakihan ang yellow lanes at lagyan ng mga fence at baller ang EDSA para tiyaking manatili sa tamang lanes ang mga motorista.

Ayon kay Nebrija, bahagi ito ng ‘road diet’ proposal ng MMDA.

Mailalagay ang fence at ballers kapag nabili na ito ng ahensya.

Sa ngayon, ipupwersa ang tamang paggamit ng lanes at ang mga susuway ay huhulihin.

 

Read more...