Umano’y pagpapasagasa sa tren nina PNoy at Abaya trending sa social media

By Dona Dominguez-Cargullo December 28, 2015 - 03:40 PM

PNOY tren 4Trending ngayon sa social media ang countdown ng mga netizens sa umano ay nalalapit na pagpapasagasa sa tren nina Pangulong Benigno Aquino III at Department of Transportation and Communications (DOTC) Sec. Jun Abaya.

Maraming netizens ang nag-share sa Facebook ng video ng speech ni Pangulong Aquino na naganap noong April 4, 2013 sa Dasmariñas National High School sa Brgy. Burol II Dasmariñas City.

Sa nasabing speech, binanggit ng pangulo ang pangakong LRT line Cavite Extension project.

Sinabi ng pangulo na sa taong 2015, mapapabilis na ang biyahe mula Baclaran patungo ng Bacoor at inaasahang nasa 250,000 na pasahero ang makikinabang sa nasabing proyekto.

Binanggit din ni PNoy sa kaniyang speech na kung hindi mangyayari ang nasabing proyekto ay magpapasagasa silang dalawa ni Abaya sa tren.

“Pagdating naman ng 2015, hindi lang natin mapapabilis ang biyahe mula Baclaran hanggang Bacoor, kundi madadagdagan din tayo ng tinatayang 250,000 pasahero ang maisasakay kada araw dahil sa LRT Line 1 Cavite Extension. At pag hindi ho nangyari ito, nandyan po si Secretary Abaya na mangangasiwa ng proyektong ito, dalawa na kaming magpapasagasa siguro sa tren”.

Pero patapos na ang taong 2015 at hindi pa nakukumpleto ang ipinangakong extension project ng pangulo.

Ang video ng nasabing speech ni PNoy ay ibinabahagi ngayon ng mga netizens sa facebook.

Sa kaniyang FB post, sinabi ni Al Shalom Daquipil na tatlong araw na lamang ang nalalabi at patapos na ang 2015.

Sabik na umano siyang panoorin ang pagpapasagasa ni Pnoy at Abaya sa tren. Ang isa pang FB user ay sinabing sa lahat ng ipinangako ni PNoy ay ‘dito lamang siya natuwa’.

 

May mga nag-edit pa ng larawan ni PNoy at Abaya at nilagyan ng mga caption hinggil sa nalalapit umano nilang pagpapasagasa.

TAGS: Abaya, Aquino, LRT, Memes, Abaya, Aquino, LRT, Memes

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.