Humiling ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa Department of Justice (DOJ) na ipag-utos sa Philippine National Police (PNP) ang pagpiprisinta ng karagdagang ebidensiya kaugnay sa kinakaharap na kasong sedition.
Ito ay bago umano siya maglabas ng counter-affidavit sa nasabing kaso.
Inihain ni Atty. Marlon Manuel, abogado ni Robredo kasama ang tagapagsalita ng bise presidente na si Barry Gutierrez ang Motion for Production and Copying of Evidence sa kagawaran.
Nakasaad sa mosyon na ang sinumpaang salaysay ni Peter Joemal Advincula o alyas ‘Bikoy’ sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ukol sa “Ang Totoong Narcolist” videos ay maling alegasyon.
Napagkaitan din umano si Robredo ng karapatan para sagutin ang mga akusasyon laban sa kaniya.
Binanggit ng PNP-CIDG na maliban sa pahayag ni Advincula ay mayroon pa silang ebidensiya sa kaso.
Dahil dito, hiniling ng kampo ang paglalabas ng sinasabing hawak na ebidensiya.
Maliban kay Robredo, sangkot sa kaso sina Senators Leila De Lima at Risa Hontiveros, dating senador Antonio Trillanes IV at iba pang personalidad kabilang ang ilang pari.