MMDA pinayuhang buhayin ang organized bus route system

INQUIRER PHOTO / GRIG C. MONTEGRANDE

Hinikayat ni dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chair at ngayon ay Marikina Rep. Bayani Fernando ang ahensya na buhayin ang organized bus route (OBR) bilang solusyon sa pagsisikip ng trapiko sa EDSA.

Ayon kay Fernando na makabubuting balikan at pag-aralan ang mga dating programa ng MMDA upang makahanap ng naaangkop na mga istratehiya sa problema ng trapiko sa Metro Manila.

Sinabi ni Fernando na hindi naman ito ikalulugi dahil ang limang biyahe ay pupuwedeng maging apat na biyahe pero punuan naman ng mga pasahero ang bus.

Idinagdag pa ng kongresista na palalagyan ng digital camera at RFID ang mga bus para matukoy ang lokasyon kontra sa mga pasaway na nagka-cutting trip o hindi nagpupunta sa bus station.

Naniniwala pa si Fernando na kung mapaplantsa ang organized bus route, mababawasan na rin ang mga pribadong sasakyan dahil mas pipiliin na nilang magcommute.

Ang MMDA ang magkokontrol ng lalabas o bibiyaheng mga bus na nakadepende sa dami ng mga pasahero sa EDSA upang hindi magbabad sa nasabing lansangan ang mga bus lalo na sa mga oras na wala namang gaanong pasahero.

Taong 2003 nang unang ipatupad ang organized EDSA bus route at sa ilalim ng nasabing sistema, maglalagay ng pitong istasyon na magsisilbing dispatched area ng mga bus.

Read more...