Pag-disqualify ng Comelec kay Poe, pinapipigil sa Korte Suprema

Pormal nang inihain ng kampo ni Senator Grace Poe ang petisyon sa Korte Suprema para hilinging ipahinto ang pagpapatupad ng desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagdi-disqualify sa kaniya sa pagtakbo bilang pangulo sa 2016 elections.
Sa inihaing petition for certiorari ng abugado ni Poe na si Atty. George Garcia, iginigiit nito na nagkaroon ng grave abuse of discretion ang Comelec sa pagdisqualify sa senadora.
Sa nasabing petisyon, hinihiling din ng kampo ni Poe na makapagpalabas ng TRO o temporary restraining order ang supreme court lalo na at ngayon na ang huling araw na itinakda para makakuha ng TRO at mapigilan ang utos ng Comelec.
Kaugnay nito, sa Lunes ng susunod na linggo nakatakda ring maghain ng mosyon ang abugado ni Poe para hilingin na mag-inhibit sa kaso ang tatlong mahistrado ng SC na myiembro ng SET O Senate Electoral Tribunal.
Paliwanag ni Garcia, na-prejudge na umano ng mga miyembro ng SET ang kaso ni Poe kung kaya marapat na ang mga SC justices na SET members ay mag-inhibit sa kaso.
Umaasa naman si Poe na aaksyunan agad ng mataas na hukuman ang kanilang petisyon. “I am optimistic that the high court, or Chief Justice Maria Lourdes Sereno, herself, will not only act expeditiously, but positively on the case to grant the temporary restraining order we are seeking,” ayon kay Poe.
Naka-holiday break ngayon ang SC en banc at sa susunod na buwan pa muling magkakaroon ng sesyon.
Pero sa mga kasong maituturing na ‘urgent’, ay may kapangyarihan si Chief Justice Maria Lourdes Sereno para mag-isyu ng TRO.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.