Bagyong Hanna lalo pang lumakas habang kumikilos patungong Japan

Lumakas pa ang Bagyong Hanna at tumatama na ang mga kaulapan nito sa extreme northern Luzon.

Ayon sa 11pm severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 510 kilometro Silangan Hilagang-Silangan ng Basco, Batanes.

Nasa typhoon category ang bagyo taglay ang lakas ng hanging aabot sa 155 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 190 kilometro bawat oras.

Kumikilos ang bagyo sa bilis na 20 kilometro bawat oras sa direksyong Hilagang-Kanluran at tinatahak ang southern Ryukyu Islands sa Japan.

Nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal no.1 sa Batanes at Babuyan Group of Islands kung saan nararanasan ang mahina hanggang sa katamtaman na minsan ay malalakas na pag-ulan at bugso ng hangin.

Hinahatak at pinalalakas pa rin ng Bagyong Hanna ang southwest monsoon o Habagat.

Bukas, August 8, mararanasan ang katamtaman hanggang sa malalakas na monsoon rains sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Zambales, Bataan, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, at northern portions of Palawan kasama Calamian at Cuyo Islands.

Mahina hanggang katamtaman na minsan ay may kalakasang pag-ulan naman ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng Luzon at Western Visayas.

Sa Biyernes, August 9, mararanasan ang katamtaman hanggang sa malalakas na monsoon rains sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, at Occidental Mindoro.

Mahina hanggang katamtaman na minsan ay may kalakasang pag-ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila, naalabing bahagi ng Luzon at Western Visayas.

Sa Biyernes pa inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsbility (PAR) ang Bagyong Hanna.

Samantala, patuloy na binabantayan ng PAGASA ang dalawa pang weather systems.

Ang low pressure area (LPA) sa bahagi ng West Philippine Sea na hindi inaasahang maging bagyo ay huling namataan sa layong 260 kilometro Kanluran ng Dagupan City, Pangasinan.

Isa namang Severe Tropical Storm na may international name na ‘Krosa’ ang namataan sa layong 1,970 kilometro Silangan ng Extreme Northern Luzon at nasa labas pa ng PAR.

Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 110 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 135 kilometro bawat oras.

Kumikilos ito sa bilis na 10 kilometro kada oras sa direksyong Hilaga Hilagang-Kanluran.

Samantala, mapanganib at ipinagbabawal ngayon ang pagpalaot sa mga baybaying dagat ngmga lugar na nasa signal no. 1, seaboards ng Luzon at Visayas, at northern at eastern seaboards ng Mindanao.

 

Read more...