Matapang ang naging pahayag ng China laban sa mga demonstrador sa Hong Kong araw ng Martes.
Magugunitang siyam na linggo nang umaarangkada ang pro-democracy rallies sa Hong Kong at nauuwi na sa karahasan.
Ipinananawagan ng Hong Kong rallyists ang pagbitiw sa pwesto ni Hong Kong Chief Executive Carrie Lam at ang tuluyang pagbasura sa extradition bill.
Sakaling maipasa ang extradition bill, ang mga inaakusahan ay ipatatapon sa China at sa mga korte na roon lilitisin.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Yang Guang, spokesperson ng Hong Kong and Macau Affairs Office (HKMAO) na hindi dapat maliitin ng Hong Kong protesters ang kakayahan ng central government.
Hinimok ni Yang ang pulisya na parusahan ang sinumang lalabag sa batas.
Iginiit din ni Chinese official ang suporta ng Chinese government kay Lam at ang mga pagkilos para patalsikin ito sa pwesto ay walang patutunguhan.
Ayon kay Yang, babalik sa mga susuway ang ginawa nilang pagpilay sa estado.
“We would like to make it clear to the very small group of unscrupulous and violent criminals and the dirty forces behind them: Those who play with fire will perish by it. Don’t ever misjudge the situation and mistake our restraint for weakness,” ani Yang.
Samantala, inaakusahan ni Yang ang umano’y Western ‘anti-China forces’ sa pakikiaalam para maikasa ang mga kilos protesta.
Inihalimbawa ni Yang ang pahayag ni US House Speaker Nancy Pelosi na napakagandang tingnan ng mga pagkilos at ang panawagan ni dating UK foreign secretary Jeremy Hunt na imbestigahan ang marahas na paggamit ng pwersa ng Hong Kong police.