Una rito ay sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Spokesperson Celine Pialago na tuloy ang dry run.
Ito ay dahil hindi pa umano natatanggap ng MMDA ang kopya ng injuction order na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court Branch 223 noong Biyernes na nagpapatigil sa dry run.
Pero sa isang pulong balitaan, nilinaw ni MMDA General Manager Jojo Garcia na wala siyang kahit anong utos na ituloy ang dry run ng provincial bus ban.
Tuloy lang anya ang traffic scheme kung susunod ang mga operators.
“I am not ordering anything na tuloy o hindi, itutuloy lang ito kung sila po mismo ang magkukusa boluntaryo na gagawin ito,” ani Garcia.
Hawak ni Garcia ang kopya ng injuction order taliwas sa sinabi ni Pialago na wala pang natatanggap na kopya ang MMDA.
Kung sakali namang magkagulo tungkol sa pagpapatupad ng provincial bus ban ay hindi na kasalanan ng MMDA ayon kay Garcia.
Kumpiyansa naman ang MMDA official na tutupad sa usapan ang ilan sa mga operators na nagsabi sa kanyang susunod sa dry run.