Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya magdedeklara ng martial law sa Negros Oriental kahit talamak na ang patayan sa rehiyon.
Sa pahayag ng Pangulo sa oath-taking ng mga bagong halala na opisyal ng League of Cities of the Philippines at Liga ng mga Barangay sa Malakanyang Martes ng gabi, sinabi nito na hindi niya ipatutupad ang batas militar maliban lamang sa Mindanao region.
“Let us make it clear. I will never declare martial law. Except in Mindanao, talagang kailangan, because there was already a rebellion,” ani Duterte.
Paliwanag ng Pangulo ang kanyang tinutukoy na “drastic action” ay pupunuin niya lamang ng mga sundalo ang Negros Oriental gaya ng kanyang ginawa sa Jolo na nilagyan ng isang division.
Ayon kay Duterte, dagdag na pwersa lamang ang kanyang gagawin sa Negros Oriental.
“Sinabi kong drastic action it was just punuin ko ng sundalo just like Jolo I have one division tapos magpadala pa ako ng dagdag,” paliwanag ng Pangulo.
Pareho lamang aniya ang martial law, suspension ng writ of habeas corpus at dagdag pwersa ng militar dahil tutugisin lamang nito ang lawless elements.
Gayunman sinabi ng Pangulo na kapag patuloy na inuga ang bansa ay maaaring magdeklara siya ng ibang bagay pero hindi na niya ito ipinaliwanag.