Tuloy na ang pagiging paperless ng Kamara ngayong 18th Congress.
Ayon kay House Senior Deputy Majority Leader Jesus Crispin Remulla, aprubado na “in principle” ni Speaker Alan Peter Cayetano ang planong gawing digitized ang trabaho sa Kapulungan.
Ang pinag-aaralan na lamang anya ngayon ay kung paano ang magiging sistema o set-up at ang pondong ilalaan sa pagiging paperless ng mga transaksyon sa Kamara.
Sa ganitong paraan aniya ay makatitipid ng malaki at mapapabilis din ang pagpapalabas ng impormasyon patungkol sa mga nagawa ng Kamara.
Bahagi ng plano na bigyan ng tablets ang mga kongresista na magagamit nila sa pagpapadala ng kopya, tracking o paghahanap at pag-alam ng status ng mga panukalang batas at resolusyon.Sinabi naman ni Zamboanga Sibugay Rep. Wilter Wee Palma II na aabot sa P20 Million hanggang P30 Million ang matitipid ng Kamara kapag paperless na ang kanilang proseso.
Gayunman, kailangan pa anyang amyendahan ang rules ng Kamara upang ito ay maisakatuparan.
Nilinaw naman ng mambabatas na maari pa ring mabigyan ng mga hardcopy o bills at resolutions ang mga kongresista na technologically challenged o hindi nakasasabay sa millenials.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.