Panukalang Department of OFW umusad na sa Kamara
Isinusulong rin ni Las Piñas Rep. Camille Villar ang paglikha ng Department of Migration and Development para maprotektahan ang karapatan ng mga Pilipinong nasa ibang bansa.
Inihain ni Villar ang House Bill No. 3313, kung saan ililipat sa bagong kagawaran ang mga ahensiyang may kaugnayan sa overseas Filipino workers gaya ng OWWA at POEA.
Sang-ayon ang kongresista na kailangang magkaroon ng isang ahensya sa ilalim ng ehekutibo na tututok sa kapakanan ng mga Pinoy na abroad dahil marami pa ring hinaing ang mga OFW pagdating sa suporta ng gobyerno.
Nakasaad sa panukala nito na kabilang sa magiging tungkulin at kapangyarihan ng Department of Migration and Development ang pagbuo ng mga polisiya para matiyak ang proteksyon sa Filipino migrants at para matugunan ang mga isyung kinakaharap ng mga ito sa ibang bansa.
Ito rin ang magsusulong ng mga aktibidad at programa para sa OFWs at makikipag-ugnayan sa ibang mga bansa para sa maayos na partnership.
Ang panukala ni Rep. Villar ay counterpart bill ng inihain sa Senado ng kanyang inang si Sen. Cynthia Villar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.