Sa panayam sa Radyo Inquirer, sinabi ni Labor Sec. Silvestret Bello, makikipagpulong siya sa OFW Organization ngayong araw para hingin ang panig ng mga ito sa posibleng pagpapatupad ng deployment ban sa Hong Kong.
Ikokonsidera din ayon kay Bello ang posisyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) dahil ang nasabing ahensya naman ang nagdedeklara ng alert level sa isang lugar na may kaguluhan at maaring makaapekto sa mga OFW.
Sa ngayon ani Bello, wala pang itinataas na alert level ang DFA sa Hong Kong.
Sakaling maipatupad ang deployment ban ay hindi muna papayagan ang mga Pinoy na bumiyahe sa Hong Kong para na rin sa kanilang kaligtasan.
Ayon kay Bello sa abiso na inilabas ng DOLE at DFA pinaiiwas na ang mga Pinoy sa mga lugar na mayroong nangyayaring kaguluhan upang hindi sila madamay.
Pinaiiwas din muna sila sa pamamasyal at manatili lamang sa lugar ng kanilang pinagtatrabahuhan at sa kanilang bahay.