Duterte lalaban kapag ipapakulong siya dahil sa drug war

Tahasang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na lalabanan niya ang anumang hakbang para siya ay ipakulong dahil sa kanyang kampanya laban sa droga.

Ayon sa Pangulo, hindi siya papayag na siya ay makulong dahil sa war on drugs na pinaiiralsa ilalim ng kanyang termino.

Sa kanyang talumpati sa oath taking ng mga bagong opisyal ng gobyerno sa Malakanyang Lunes ng gabi, sinabi ni Duterte na isasama niya sa impyerno ang sinuman na nais siyang makulong.

“Sa drugs kadaming demanda ko, akala ng mga gago mapasok nila ako sa kulungan…Dalhin ko kayo sa impyerno bago ako papasok diyan,” ani Duterte.

Ang pahayag ng Pangulo ay iba sa mga una na nitong sinabi na handa siyang makulong basta payagan ang conjugal visits.

Matatandaan na binabatikos ng human rights advocates ang Pangulo dahil sa umanoy madugong drug war ng gobyerno.

Sa tala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), mahigit 5,000 na ang napatay sa anti-illegal drugs operations sa buong bansa mula noong 2016.

 

Read more...