Dating police officer, patay sa pananaksak sa Maynila

crime-scene-e1400865926320Patay ang isang retiradong police officer matapos siyang pagsasaksakin ng kaniyang driver sa Sta. Cruz, Manila.

Pinaghahanap ngayon ng Manila Police District (MPD) ang 40-anyos na suspek na si Allan Liwanag na sinasabing pumatay sa kaniyang amo na si retired Supt. Cipriano Herrera.

Naganap ang insidente dakong 3:55 ng madaling araw Linggo, sa mismong tahanan ni Herrera habang siya ay kumakain.

Matapos pagsasaksakin ang kaniyang dating amo, tumakas si Liwanag gamit ang Ford Escape ni Herrera na may plakang ACA 1295.

Ayon kay Senior Insp. Rommel Anicete, hepe ng MPD homicide division, isang testigo ang nagsabi na base sa paraan ng paglakad at sa nakita niyang sapatos na suot ng suspek sa CCTV footage, nakilala niyang ito ay si Liwanag.

Nagtamo ng mga sugat sa leeg at katawan si Herrera at isinugod sa Metropolitan Medical Center ngunit idineklara ring patay dakong alas-5:00 ng umaga.

Napag-alaman pa ng MPD na sinibak pala sa trabaho si Liwanag ng pamilya Herrera nang mawalan sila ng mga gamit sa bahay kabilang na ang mga gadgets.

Si Liwanag agad ang pinaghinalaan dahil siya lang umano ang tanging hindi miyembro ng pamilya na nakaka-labas-masok sa bahay.

Base sa inisyal na imbestigasyon, maaring pumasok ang suspek sa fire escape nang makita niya si Herrera na nagkakape sa baba ng bahay.

Read more...