Endo, mandatory ROTC kasama sa priority bills na isusumite ng Malakanyang sa Kongreso

Sen. Bong Go photo

Kasama sa priority bills ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong 18th Congress ang “end of contract” (endo) o Security of Tenure Bill na una nang na-veto ng Pangulo.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential Legislative Liaison Office Secretary Adelino Sitoy na ito ang napagkasunduan sa pre-legislative executive development advisory council (LEDAC) na ginanap Lunes ng hapon sa Palasyo ng Malakanyang.

Ayon kay Sitoy, sa naturang pre-LEDAC meeting, napagkasunduan ng ehekutibo at lehislatura na plantsahin ang detalye ng mga panukalang batas para maiwasan ang pag-veto.

Ayon pa kay Sitoy, bukod sa endo ay kasama rin sa priority bills ang Coco Levy, Mandatory ROTC at National Land Use Act.

Hindi naman kasama sa mga isusumiteng panukala ng administrasyong Duterte ang usapin sa Pederalismo.

Matatandaan na isa ang Pederalismo sa mga campaign promise ni Pangulong Duterte noong 2016 presidential elections.

 

Read more...