PCG: Nasawi sa Iloilo-Guimaras sea tragedy umabot na sa 31

AP via INQUIRER.net

Umakyat na sa 31 ang bilang ng nasawi dahil sa magkakahiwalay na insidente ng paglubog ng tatlong bangka sa Iloilo-Guimaras Strait nitong Sabado.

Batay sa pinakahuling ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), nakarekober pa sila ng 19 na katawan sa gitna ng isinagawang search and rescue operations kahapon, araw ng Linggo.

Hindi pa nakikilala ang ilan sa mga bangkay na narekober ayon kay PCG Western Visayas district commander Commodore Allan dela Vega.

Sakay ng M/B Chi-chi, M/B Keziah 2 at M/B Jenny Vince ang 96 pasahero at crew bago lumubog habang nasa gitna ng katubigan ng Iloilo at Guimaras.

Paliwanag ni dela Vega, ang biglaang bugso ng hangin ang nagpalubog sa tatlong pampasaherong motorboats.

Giit pa ng PCG official, naglayag ang mga bangka patungo sa kanilang mga destinasyon sa kasagsagan ng magandang panahon.

“When the boats left port, there was good weather,” ani dela Vega.

Tinanggal na ng PCG ang pagbangga at overloading sa mga itinuturong sanhi ng aksidente.

Samantala, sinabi ni PCG spokesperson Commander Armand Balilo na magpapatuloy ang paghahanap sa tatlo pang nawawala.

Magsasagawa pa rin naman ng imbestigasyon matapos ang search and rescue operatios upang malaman kung may kapabayaan ang crew sa insidente.

Read more...