VP Robredo: Cory Aquino maaalala sa pagpapanumbalik ng demokrasya

Photo from OVP

Hindi lamang sikat si dating Pangulong Corazon Aquino dahil sa pagpanaw ng kanyang asawa na si Sen. Benigno “Ninoy”Aquino.

Sa kanyang radio program araw ng Linggo, iginiit ni Vice President Leni Robredo na maaalala ang Cory administration dahil sa mahalagang papel nito para maibalik ang demokrasya sa bansa matapos ang diktaduryang Marcos.

“Pero maaalala kasi iyong kaniyang administrasyon, iyon iyong turning point ng pag-regain natin ng ating demokrasya, ng ating mga democratic institutions. Kaya napakalaki ng kontribusyon para sa ating bansa,” ani Robredo.

Sagot ito ng bise presidente sa komento ni Pangulong Rodrigo Duterte na sikat lamang si Cory dahil namatayan ito ng asawa sa kamay ni dating pangulong Ferdinand Marcos.

Ayon kay Robredo, alam ng taumbayan na hindi basta-basta ang pinagdaanan ni Cory mula sa panggigipit na naranasan sa ilalim ng rehimeng Marcos hanggang sa mga kudetang kinaharap nang maupong presidente.

“Alam natin na iyong pinagdaanan niya hindi basta-basta. Hindi lang sa nawala iyong asawa, pero bago nawala iyong asawa, kung ano-anong panggigipit iyong napagdaanan noong panahon ng rehimeng Marcos. Noong nakaupo na bilang Presidente, alam nating sunod-sunod na kudeta iyong nalampasan,” giit ni Robredo.

Sinabi pa ng bise presidente na dapat mas maalala ang unang babaeng pangulo bilang halimbawa ng isang lider na hindi umabuso sa kapangyarihan at hindi naging kurakot.

“Iyong pinakatanong: Noong nabigyan ng pagkakataon, paano ginamit iyong kapangyarihan na binigay sa kaniya? Alam nating lahat na siya din iyong halimbawa na hindi talaga nag-abuso sa kapangyarihan na binigay. Parating tinatawaran, lalo na ng mga supporters ng dating diktador, iyong kakayahan [niya]. Wala namang presidenteng perpekto. Pero siguro kung may isang puwedeng maipagmalaki na hindi nang-abuso, hindi naging kurakot,” ani Robredo.

Noong Huwebes, August 1, ginunita ng bansa ang 10th death anniversary ni Cory.

Read more...