Yumanig sa Estados Unidos ang dalawang magkahiwalay na insidente ng mass shooting sa loob lamang ng 13 oras kung saan hindi bababa sa 29 ang nasawi at 53 ang nasugatan.
Malagim ang nangyaring masaker sa isang grocery store sa El Paso, Texas noong Sabado kung saan 20 katao ang nasawi.
Ayon kay El Paso police Chief Gregory K. Allen, at U.S. Attorney for the Western District of Texas, John Bash, hate crime at domestic terrorism ang tinitingnang motibo sa insidente.
Nahuli ang suspek na nakilalang si Patrick Crusius, 21, anyos mula sa Dallas.
Makalipas ang 13 oras ay naganap naman ang panibagong serye ng pamamaril sa Dayton, Ohio.
Siyam ang nasawi sa pagpapaulan ng bala ng suspek na si Connor Betts, 24 anyos, kung saan kabilang sa mga biktima ay sarili niyang kapatid.
Napatay ng mga pulis si Betts.
Mariing kinondena ni US President Donald Trump ang mga pangyayari na tinawag nitong ‘act of evil’.
Ipinag-utos ng presidente ang paglalagay sa half-mast ng US flags sa lahat ng federal government buildings bilang pakikiramay sa mga biktima ng mass shootings.
Mariin ding kinondena ni Pope Francis ang mga insidente ng karahasan sa US.
Sa harap ng libu-libong pilgrims at turista sa St. Peter’s Square araw ng Linggo, pinangunahan ni Pope Francis ang pananalangin ng Aba, Ginoong Maria para sa mga biktima.
Nagpahayag ng kalungkutan ang Santo Papa sa ginawang mga pag-atake sa mga walang kalaban-laban na mamamayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.