Tiyak na ang pagdalo nina Manila Mayor Joseph Estrada, dating Mayor Alfredo Lim, Vice Mayor Isko Moreno at mga opisyal ng lokal na pamahaalan ng Maynila sa pagdinig ng kamara sa usapin ng Torre de Manila.
Sinabi sa Radyo Inquirer ni Quezon City 2nd District Rep. Winston Castelo, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na dadalo sa hearing sina Estrada, Lim, Moreno, mga Konsehal at mga engineering officials ng lungsod.
Ayon kay Castelo, hindi layon ng pagdinig na magkaturuan o magsisihan kundi upang pag-aralan ang batas kung kailangan itong baguhin.
“Hindi ito blame game kundi in-aid of legislation dahil kulang ang batas para ma-preserve ang mga historical heritage sa bansa,” pahayag ni Castelo kay Warrior Angel program host Brenda Arcangel.
Siniguro ni Castelo na bahagi ng layunin ng kanilang pagdinig ang pagpapanukala ng batas na magbibigay sa National Commission on Culture and the Arts (NCCA) ng pangil para pigilan ang mga katulad na proyekto na makakasira sa mga Historical sites sa bansa.
Nakatakda ring tingnan ng komite ang hiling ng ibang sektor na pangalagaan ang iba pang historical landmark sa lungsod gaya ng Sta. Ana, Army Navy Club at ang Admiral Hotel.
Isasagawa ang hearing ng komite ni Castelo sa kamara sa Miyerkules, July 1.
Kasabay nito ay sinabi ni Castelo na hindi sila papayag na maipagpatuloy pa ang pagpapatayo ng Torre de Manila.
Ayon kay Castelo, kung hindi kakayanin sa pakiusapan ang DMCI na developer ng nasabing gusali ay dadaanin nila ito sa puwersahan.
Magugunitang tinawag ni Castelo na isang “pambansang kahihiyan” ang pagtatayo ng Torre de Manila na nakasira sa tanawin ng Rizal Monument sa Luneta Park./ Len Montano, may ulat mula kay Alvin Barcelona
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.