Ang pag-aalinlangan ng DOH ay sa gitna ng paglobo ng mga nagkakasakit ng dengue sa bansa.
Ayon kay DOH Undersecretary Eric Domingo, hindi para sa mass vaccination ang Dengvaxia dahil walang screening test o paraan para suriin kung ang isang tao ay dati nang nagkasakit o hindi pa ng dengue.
Aminado naman ang ahensya na sa ngayon ay wala pang alternatibong bakuna panlaban sa naturang sakit.
Una rito ay iminungkahi ni dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo Representative Janette Garin na payagang magamit uli ang Dengvaxia para tugunan ang pagdami ng mga nagkasakit.
Sinabi naman ng Malakanyang na suportado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala ni Garin.
Matatandaan na naging kontrobersyal ang Dengvaxia dahil ito ang sinasabing dahilan ng pagkamatay ng mga batang nabakunahan.
Inamin din ng manufacturer nitong Sanofi Pasteur na maaaring magresulta ng mas matinding sintomas ang bakuna para sa mga hindi pa nagka-dengue.