Dating PCSO General Manager Alexander Balutan pinasinungalingan ang pahayag ni Sen. Ping Lacson

By Jan Escosio August 02, 2019 - 07:28 PM

Sinagot ni dating PCSO General Manager Alexander Balutan ang naging pahayag ni Senator Panfilo Lacson na may mga retiradong opisyal ng AFP at PNP ang operator ng sinuspindi at kontrobersyal na Small Town Lottery o STL.

Hinamon ni Balutan si Lacson na pangalanan ang mga sinasabi nitong mga retiradong heneral.

Ayon kay Balutan kung may kaugnayan man ang mga retiradong heneral, sila ay mga incorporators lang na ipinuhunan ang kanilang retirement pension ngunit hindi sila may-ari ng Authorized STL Agents o ASA.

Dagdag pa nito, may mga STL operators din na abogado, politico, engineers at contractors.

Pagdidiin pa ni Balutan, ipinatigil na ng PCSO Board ang mga ASA na kulang ang remittance, ngunit nagpasaklolo ang mga ito sa korte na nagpalabas naman ng temporary restraining orders kayat natali na ang kanilang mga kamay.

Sinabi pa nito na walang katotohanan na may mga nawawalang kita ang PCSO at wala din silang ibinulsa.

Ipinakita pa ni Balutan na sa kanyang pamumuno sa PCSO, tumaas ng higit 19 porsiyento ang kita ng ahensiya sa P63.5 billion hanggang noong 2017 kasama na rito ang kita mula sa STL, lotto at sweepstakes.

Unang ibinahagi ni Lacson na may ilang retiradong heneral ang may-ari ng STL at diumano ilan sa mga ito ay kabilang sa mga hindi kumpletong nagre-remit ng kita sa PCSO na ikinagalit ng husto ni Pangulong Duterte.

TAGS: Authorized STL Agents o ASA, pcso, PCSO GM Alexander Balutan, Senator Ping Lacson, small town lottery, Authorized STL Agents o ASA, pcso, PCSO GM Alexander Balutan, Senator Ping Lacson, small town lottery

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.