Dating pastor patay sa pananambang sa Cotabato
Patay sa pamamaril ang dating pastor ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) sa Antipas, Cotabato Biyernes (Aug.2) ng umaga.
Nakilala ni Lt. Joven Alisasis, hepe ng Antipas police, ang biktimang si Ernesto Estrella, 51-anyos at residente ng Davao City.
Ayon kay Alisasis, nakasakay si Estrella sa kaniyang motorsiklo papuntang Poblacion para bisitahin ang mga kamag-anak nang biglang pagbabarilin ng riding-in-tandem bandang alas nuwebe ng umaga.
Sinabi naman ng mga kaanak ng biktima na wala silang alam kung mayroon itong kaaway o nakakatanggap ng banta sa kaniyang buhay.
Ani Alisasis, nakatira si Estrella kasama ang kaniyang asawa sa bayan ng Antipas nang mahigit isang taon na.
Kasama rin aniya ang biktima sa mga nangampanya kay dating Makilala Mayor Rudy Caoagdan na nanalo bilang kongresista ng ikalawang distrito ng Cotabato.
Pinaniniwalaan din aniyang nakakonekta si Estrella sa mga makakaliwang grupo.
Ayon kay Alisasis, bineberipika pa ang nasabing impormasyon kung aktibo nga itong nakikiisa sa mga protesta sa Kidapawan City.
Patuloy din ang isinasagawang imbestigasyon sa pamamaslang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.