‘Honor thy Father’, disqualified sa Best Picture ng MMFF, producers, umalma
Diniskwalipika ng Metro Manila Film Festival (MMFF) Executive Committee ang pelikulang “Honor Thy Father” na pinagbibidahan ni John Lloyd Cruz sa Best Picture Category isang araw bago ang MMFF 2015 Awards Night.
Sa liham na natanggap ng Reality Entertainment mula sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na nangangasiwa ng MMFF, nakasaad dito ang dahilan ng pagkakadiskwalipika sa naturang pelikula.
Ayon kay MMFF Overall Chairman Emerson Carlos, napagdesisyunan ng Executive Committee na alisin na sa listahan ng mga pagpipilian sa Best Picture category ang “Honor Thy Father” dahil sa kabiguang ipaalam ng produksiyon ng naturang pelikula na naging opening film ito sa Cinema One Originals Film Festival noong Nobyembre.
Sa panig ng Reality Entertainment, pinalagan ng producer ng pelikula na si Dondon Monteverde ang naging desisyon ng MMFF ExCom.
Ayon kay Monteverde, late addition ang Honor Thy Father sa MMFF 2015 entries dahil nang ianunsiyo ang line up noong June, hindi kasali ang kanilang pelikula.
Noong October 23 lamang aniya nang opisyal na nag-alok ang MMFF ng slot para sa Honor Thy Father at noong panahon na iyon ay tinanggap na nila ang ‘invitation to screen’ sa kanilang pelikula ng Cinema One bilang Opening Film.
Kasabay nito, iginiit ni Monterverde na magkaroon ng imbestigasyon sa naging desisyon ng MMFF ExCom para sa kanilang pelikula.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.