Hinimok ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang lahat ng mga pari, relihiyoso at layko na ipagdasal at isama sa mga intensyon ng Banal na Misa ang mga obispo at pari na kasalukuyang nakararanas ng pang-uusig at maling paratang.
Sa isang circular araw ng Huwebes, August 1, sinabi ni Fr. Reginald Malicdem, chancellor ng Archdiocese of Manila na ang panalangin ang pinakamagandang pagpapahayag ng pakikiisa at suporta sa mga tinutuligsang pastol ng Simbahan.
Ang apela ng arkidiyosesis ay bago ang pagdiriwang ng Kapistahan ni St. John Marie Vianney, patron ng mga pari, sa Linggo.
Magugunitang kasama sina Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Cubao Bishop Honesto Ongtioco at Novaliches Bishop-Emeritus Teodoro Bacani sa mga sinampahan ng kasong ‘sedition’ dahil sa umano’y kaugnayan sa ‘Ang Totoong Narcolist’ videos.
Samantala, mamayang gabi, idaraos ang Misa at Holy Hour para kay Bishop David sa San Roque Cathedral para ihayag ang suporta sa obispo.