Nabuwag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office – National Capital Region (RO-NCR) ang isang drug den sa Brgy. NBBN, Navotas City, araw ng Huwebes.
Sa bisa ng search warrant, sinalakay ang drug den at naaresto ang limang drug personalities.
Ayon kay PDEA-NCR Regional Director Joel Plaza, target ng pagsasagawa ng search warrant operation si Roberto De Guzman, 51 anyos, na natukoy na namamahala sa drug den.
Arestado si De Guzman kasama ang apat na iba pang nakilalang sina Rey Gilbuena, 44 anyos; Richard Antonio, 27 anyos; Ramonito Dumayan, 37 anyos at Renato Gilbuena, 19 anyos.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 12 sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P102,000 at iba’t ibang drug paraphernalia.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.