Mga estudyante libre na sa terminal fees sa mga paliparan mula ngayong araw

By Dona Dominguez-Cargullo August 01, 2019 - 08:53 AM

Simula na ngayong araw ang pagpapatupad ng exemption para sa mga estudyante sa pagbabayad ng terminal fees sa lahat ng paliparan sa bansa.

Ayon sa memorandum na nilagdaan ni Director General Jim Sydiongco ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), simula ngayon, August 1 ay libre na ang mga estudyante sa terminal fee sa lahat ng paliparan na ino-operate ng CAAP.

Sakop ng kautusan ang mga estudyante na naka-enroll sa preschool hanggang college kabilang ang mga naka-enroll sa trade/arts/technical/vocational schools at training centers.

Ang mga kwalipikadong estudyante ay kailangang mag-apply ng student exemption certificate sa Malasakit Help Desks sa mga paliparan para makapag-avail ng libreng terminal fees.

Ang mga mag-aaral na may nakatakda nang flights ngayong araw, August 1 at nakabili na ng tickets ay maaring makakuha ng refund sa binayarang terminal fee na nakasama na sa kanilang airline tickets lalo na kung binili ito online.

Ayon sa CAAP, lahat ng Malasakit Help Desks sa mga paliparan ay magsisilbing refund counters hanggang sa magkaroon na ng sistema ang mga airline company para maibigay ang exemption sa kanilang booking system.

TAGS: airports, CAAP, terminal fee, airports, CAAP, terminal fee

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.