PNP sinita ang Angkas sa paghalintulad ng kanilang serbisyo sa sex

Sinita ng isang unit ng Philippine National Police (PNP) ang motorcycle ride-hailing firm na Angkas dahil sa tweet nito na inihalintulad ang kanilang serbisyo sa sex.

Sa nag-viral na tweet ng Angkas, sinabi nitong ang kanilang serbisyo ay parang sex na masarap ulit-ulitin.

“Angkas is like sex. It’s scary the first time pero masarap ulit-ulitin,” ayon sa Angkas.

Pero sa isang tweet araw ng Miyerkules, sinabi ng PNP Hotline na hindi katanggap-tanggap sa commuters ang promotion ng Angkas at lalo lamang matatakot ang mga ito.

Sinabi pa ng PNP Hotline na hindi itinataguyod sa naturang tweet ang public safety sa transport business.

Naka-tag pa sa tweet ng PNP Hotline ang twitter account ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board para kunin ang atensyon ng ahensya.

Ang PNP Hotline Twitter account ay nasa pamamahala ng public information division ng PNP Directorate for Police Community Relations.

Samantala, binura na ng Angkas ang kanilang viral tweet at nagbigay na ng pahayag bandang alas-2:-00 ng madaling araw ng Huwebes.

Aminado ang Angkas na nagkamali sila sa kanilang promotion at humingi ng paumanhin sa mga hindi natuwa at nagduda sa integridad ng kanilang serbisyo.

Tiniyak ng Angkas na ang kaligtasan ng mga pasahero ang kanilang prayoridad.

Sinabi ng Angkas na ang sex ay dapat tinatalakay sa ‘matured’ at malayang paraan at hindi dapat magamit para magdulot ng takot, hiya at at gawing biro para lamang gumawa ng ingay.

Read more...