Mismong si Cesar Chavez, chief of staff ni Manila Mayor Isko Moreno, ang nagpaabot sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kahit nalinis na ang Divisoria, Maynila patuloy pa rin silang nakatatangap ng reklamo ng trip cutting.
Sagot naman ng LTFRB, magsasagawa muna ng imbestigasyon ang ahensya hinggil sa reklamo ng Manila City Hall laban sa mga operator at driver na may rutang Divisoria-Baclaran at vice versa na nagti-trip cutting umano.
Sa pagdinig ng LTFRB, katwiran ng mga operator at driver, nagagawa nila ang cutting trip dahil nahihirapan silang makapasok sa Divisoria sa dami ng harang sa kalsada.
Ngunit ang reklamo ni Chavez, sa kabila ng paglilinis sa Divisoria, tuluy-tuloy pa rin ang ginagawang cutting trip.
Ayon naman kay LTFRB Chairman Atty. Martin Delgra, titignan muna nila kung may obstruction pa rin sa Divisoria, kung natanggal na ba ang mga ito ngayon at kailan nangyari ang trip cutting.
Sa mga mapapatunayang gumawa ng trip cutting, pagmumultahin ng P5,000 sa unang paglabag habang sa ikalawang paglabag ay pagbabayarin ng P10,000 at mai-impound ang unit ng 30 na araw.
Matatandaang ipinasuspinde ni Mayor Moreno ang mga biyahe ng jeep na may rutang Divisoria-Baclaran at vice versa matapos makatanggap ng mga reklamo ng cutting trip.
Sa August 28 itinakda ang ikalawang bahagi ng pagdinig.