Ceasefire hanggang sa halalan aprub sa Malacanang
Pabor ang Malacañang sa panukalang extension ng ceasefire sa pagitan ng pamahalaan at CPP-NPA.
Ayon kay Presidential Political Adviser Ronald Llamas, malaki ang maitutulong ng tigil-putukan sa ikatitiwasay ng halalan sa susunod na taon.
Sa isang peace forum sa ginanap sa Baguio City kahapon ay ipinanukala ng International Alert Philippines ang extended ceasefire.
Nauna nang nagkasundo ang pamahalaan at komunistang grupo sa holiday truce na nagsimula noong December 23 at tatagal hanggang sa hating-gabi ng January 3. 2016.
Pero duda naman si Llamas kung papaya ang CPP-NPA sa nasabing panukala dahil nangangahulugan ito na matitigil din ang kanilang paniningil ng campaign fee sa mga kandidatong pulitiko.
Nauna nang sinabi ng ilang mga pulitiko na nahihirapan silang pumasok sa mga lugar na kontrolado ng mga rebelde kaya napipilitan silang magbayad kahit na ito’y labag sa kanilang damdamin.
Naging isyu rin kung kanino napupunta ang nasabing salapi dahil hindi naman nag-iisyu ng resibo ang komunistang grupo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.