Hindi pababayaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga empleyado ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na ilang araw na nawalan ng trabaho dahil sa pagpapasara sa gaming operations gaya ng lotto, small town lottery (STL), Keno, Peryahan ng Bayan at iba pa.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, naghahanap na ng paraan ang pangulo para makabawi sa mga empleyado ng PCSO.
Tinitingnan aniya ng pangulo ang circumstances sa ilang araw na pagpapasara sa PCSO.
Una rito, sinabi ni Panelo na hindi naman ganun kahirap ang mga empleyado ng PCSO na magugutom na ng ilang araw dahil sa pagsasara ng gaming operations na umani naman ng batikos mula sa publiko.
Biyernes ng gabi, July 26, nang ipasara ng pangulo ang gaming operations ng PCSO.
Subalit Martes ng gabi, July 30, ay binawi na ang suspension order sa lotto pero nanatili pang suspendido ang operasyon ng STL, Keno, Peryahan ng Bayan habang nagpapatuloy pa ang ginagawang imbestigasyon.