Prize freeze umiiral sa Batanes dahil sa deklarasyon ng state of calamity

Umiiral ngayon sa buong lalawigan ng Batanes ang price freeze kasunod ng deklarasyon ng state of calamity dahil sa malakas na lindol noong Sabado, July 27.

Dahil dito, nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga negosyante na huwag manamantala sa presyo ng mga bilihin.

Sa ilalim ng RA 7581 o Price Act, awtomatikong ipatutupad ang price control sa lugar na idineklara ang state of calamity para maiwasan ang kaguluhan dulot ng mataas na presyo ng bilihin.

Kabilang sa price control ang bigas, tinapay, mais, mga karne, itlog, isda, kape, asukal at iba pa.

Kailangang ang presyo ng mga nabanggit na produkto ay manatili sa halaga ng mga ito bago pa man tumama ang kalamidad.

Ang mga lalabag sa price control ay maaaring makulong ng isa hanggang 10 taon at may multang P5,000 hanggang P1 milyon.

Bagaman sa Itbayat, Batanes lamang nakapagtala ng mga pinsala dahil doon ang episentro ng lindol, isinailalim ang buong lalawigan sa state of calamity upang makatulong ang ibang bayan.

 

Read more...