Hindi bababa sa sampung paaralan ang nagtamo ng pinsala matapos ang malakas na pagyanig sa Itbayat, Batanes noong Sabado ayon sa Department of Education (DepEd).
Ayon sa initial report ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS), hanggang araw ng Martes, July 30, 10 paaralan at 29 school personnel at estudyante ang naapektuhan ng pagyanig.
Sa Itbayat National Agirucultural High School, dalawa ang nasawi at 12 ang nasaktan kabilang ang 11 estudyante; tatlo sa mga building nito ay lubhang napinsala.
Siyam na estudyante naman ang nasaktan sa Itbayat Central School; isang Gabaldon building at isang imprastraktura ang lubhang nasira.
Sa Mayan Elementary School, apat katao kabilang ang dalawang estudyante ang nasaktan; isang building ang ‘totally’ damaged at dalawa pa ang lubhang napinsala.
Sa Yawran Barrio School, isang estudyante ang nasaktan.
Isang personnel naman sa Raele Integrated School ang nasaktan at isa sa mga silid-aralan ay hindi na ligtas pang gamitin.
Nagtamo naman ng cracks o lamat ang Gabaldon buildings ng Ivana Elementary School, Chanarian Elementary School, Batanes National Science High School, Basco Central School, at Uyugan Elementary School:
Sinabi ng DepEd na patuloy ang kanilang monitoring sa mga divisions at paaralan sa mga apektadong lugar para sa pinsala sa imprastraktura at casualties.
Pinabibilis na rin ng kagawaran ang mga hakbang para maisaayos ang mga paaralan at makapagbigay ng kaukulang tulong sa pamilya ng mga nasawi at nasaktang mag-aaral at school personnel.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.