Ombudsman, inakusahang may “selective justice” ng isang abogado
Inakusahan ng isang abogado si Ombudsman Conchita Carpio Morales na pumapabor sa mga kaalyado ng administrasyon at ni presidential candidate Mar Roxas.
Kinwestyon ni Atty. Adan Marcelo Botor, abogado ni suspended Camarines Norte Gov. Edgardo Tallado, kung bakit hindi ginamit ni Morales ang Aguinaldo doctrine o ang doctrine on condonation of administrative cases sa kaniyang kliyente, pero ginamit sa kaso ni Capiz Gov. Victor Tanco Sr.
Aniya, parehong reelected noong 2013 sina Tallado at Tanco, pero kamakailan lamang ay binaliktad ng Ombudsman ang utos na ito na i-dismiss si Tanco dahil sa nasabing condonation doctrine, pero hindi kay Tallado.
Paniwala ni Botor, ito ay dahil kasapi ng Liberal Party (LP) at ni Roxas si Tanco, habang si Tallado ay nilaglag ng nasabing partido dahil sa natanggap nitong immorality complaint.
Giit ng abogado, panay pulitika ang pinaiiral sa mga desisyon ng Ombudsman at tila ba protektado ang mga kaalyado ng kasalukuyang namamayagpag na partido sa administrasyon.
Mayroon aniyang “selective judgment” ang Ombudsman kontra sa mga nakikitang kalaban ni Roxas.
Nitong buwan lang ng Oktubre, sinuspinde ng Ombudsman si Tallado dahil sa paglabag nito sa utos ng Civil Service Commission na ibalik sa trabaho ang tinanggal na provincial veterinarian.
Sa parehong buwan rin pinasibak ng Ombudsman sa pwesto si Tanco, at pinagbawalan pang manungkulan sa anumang opisina ng gobyerno.
Pero noong nakaraang linggo lang, sinabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na hindi na itutuloy ang dismissal order kay Tanco dahil naiba na ang utos ng Ombudsman sa bisa ng condonation doctrine.
Samantala, tinanggihan ng Ombudsman ang apela ni Tallado na i-reverse din ang suspension order sa kaniya sa bisa ng parehong doktrina.
Ang Aguinaldo doctrine o condonation doctrine ng Supreme Court, palilipasin na nito ang anumang nagawang offense ng isang pulitiko sa kasagsagan ng kaniyang mga naunang termino, kung siya ay na-reelect.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.